Sa 3-pahinang resolusyon ng SC en banc, idineklara nitong null and void o walang bisa ang kontrata ng Comelec sa nanalong bidder na Mega Pacific.
Nakasaad na depektibo ang naganap na subastahan o bidding kaya nararapat lamang na idismis ang kanilang motion for reconsideration.
Nilinaw din ng Mataas na Hukuman na hindi nila hinatulan ang Comelec at ang Mega Pacific ng utusan ng Ombudsman na imbestigahan kung sino ang nararapat managot sa naganap na anomalya.
Sinabi pa ng SC na dapat ring isipin ng Comelec na nalagay sa balag ng alanganin ang tiwala ng taumbayan sa nalalapit na halalan dahil isang maanomalyang kontrata ang pinasok nito matapos na magpalabas ito ng P850 milyon mula sa kabuuang P1.3 milyon na kontrata kaya dapat lamang itong bawiin ng pamahalaan.
Wala ring makitang merito ang Korte Suprema sa mga argumentong isinumite ng Comelec at Mega Pacific at walang bagong argumento na maaring pagbatayan ang SC para baguhin ang kanilang naunang desisyon kaya dapat lamang ibasura ang kanilang kontrata at tuluyan itong ipawalang bisa.
Iginiit pa ng SC na malaki ang kaibahan ng kontrata na pinasok ng Comelec kumpara sa Philippine Air Terminals Co. (PIATCO) at Amari contracts dahil salapi ng gobyerno ang nalustay ng Comelec sa pinasok nitong kontrata habang ang PIATCO at Amari naman ay isang commercial contract lamang. (Ulat ni Gemma Amargo)