Magsino killers tugisin! - Kabayan

Nanawagan kahapon si K4 vice presidentiable Noli "Kabayan" de Castro sa PNP na tugisin ang mga pumaslang kina Naujan Vice Mayor Juvy Magsino at Bayan Muna Party List coordinator Leima Fortu kasabay ng panawagan sa lahat na tigilan ang sisihan sa naganap na pamamaslang.

"Nakakalungkot na sa aking lalawigan pa nangyari ito habang kasagsagan ng ating kampanya. Si Vice Mayor Magsino ay isang tapat na public servant at ating kinokondena ang walang saysay na pagpaslang sa kanya," ayon kay de Castro.

Isang araw matapos ang insidente, agad tinawagan ni de Castro si Col. Voltaire Calzado, head ng Mindoro Oriental Provincial Police Office, at inatasan na magsagawa ito ng isang masusing imbestigasyon.

"Bilang isang Mindoreño, makakaasa ang naiwang pamilya at mga kababayan ni Vice Mayor Magsino na hindi ko titigilan ang kasong ito hanggang hindi nahaharap sa hustisya ang mga nasa likod ng pamamaslang na ito," dagdag ng senador.

Sina Magsino at Fortu ay namatay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman noong Pebrero 13 dakong alas-10 ng gabi sa Naujan.

Ang madugong insidente ay naganap limang oras matapos mangampanya sina Pangulong Arroyo at de Castro sa Calapan City, Oriental Mindoro. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments