Ito ang ipinayo kahapon ni dating Pangulong Joseph Estrada sa kanyang matalik na kaibigan at kumpareng tumatakbong pangulo ng bansa na si action king Fernando Poe Jr. kaugnay ng mga espekulasyon na papaboran ng Supreme Court (SC) ang petisyon para madiskuwalipa si Poe sa halalan sa Mayo dahil sa kuwestiyonable niyang pagkamamamayang Pilipino.
Bagaman wala pang desisyong ipinalalabas ang SC, ang mga tagasuporta ni Poe ay nagbantang maglulunsad ng People Power 4 kung ididiskuwalipika ang kanilang kandidato.
Sa isang phone interview kay Estrada sa kanyang detention cell sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, sinabi nitong lubos ang kanyang tiwala na si Poe ang siyang mananalong presidente sa darating na halalan at dadalhin nito ang lahat ng kandidato ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino sa darating na halalan kasama na ang kanyang anak na si dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada na tumatakbo sa Senado.
Sinabi ng dating Pangulo na bagaman hindi siya personal na nakakatulong sa kampanyang pampanguluhan ng matalik niyang kaibigan, itinagubilin na niya sa lahat ng lider ng partido na puspusang tulungan ang kanyang kaibigan. Inaasahan nito na magiging landslide ang panalo ni FPJ at mas malalamangan pa nito ang mahigit sa 10 milyong botong ipinagkaloob sa kanya ng mamamayan noong l998 presidential election.
Samantala, nanawagan kahapon ang mga kongresistang kasapi ng Lakas Christian Democrats kay FPJ na pigilan ang kanyang mga tagasuporta sa mga panawagang kaguluhan at igalang ang desisyong ipapalabas ng SC kaugnay sa disqualification case nito.
Sa sama-samang pahayag sinabi nina Reps. Robert Ace Barbers (Surigao del Norte), Monico Puentevella (Bacolod) City at Mauricio Domogan (Baguio City) na bagamat hindi nananawagan ng protest ang kinikilala nilang hari ng pelikulang Pilipino, ito ang mensaheng gusto nilang iparating sa kanyang mga tagasuporta sakaling ibasura ng SC ang kanyang kandidatura.
Ngayon anila ang magandang pagkakataon para kay FPJ na ipakita sa taumbayan ang kanyang abilidad na mamuno sa pamamagitan ng paghikayat sa kanyang mga supporters na tigilan ang pagbabantang kaguluhan. (Ulat ni Lilia Tolentino)