Libel isasampa ni Biazon vs Roco

Sasampahan ng kasong libelo ni K4 re-electionist Sen. Rodolfo Biazon si Aksyon Demokratiko presidential bet Raul Roco dahil sa pagsabing lumipat si Biazon sa administrasyon kapalit ng P30 milyon.

Ayon kay Sen. Biazon, isang malaking kasinungalingan ang paratang ni Roco. "Kung sino man ang nagsabi niyan, I call him a liar to his face, sinungaling..." pahayag ni Biazon.

Sinabi din ni Biazon na ang pagbansag ni Roco sa kanya bilang isang "factory defect" ng Philippine Military Academy ay isang paglapastangan sa isang nirerespetong institusyon.

Ayaw naman tukuyin ni Biazon kung bakit iniwan niya ang Aksiyon Demokratiko at sumapi sa K4, subalit nabatid na nainsulto umano ang una dahil hindi ikinonsulta ni Roco ng kunin nitong runningmate si Hermie Aquino.

Agad ring itinanggi ng Malacañang ang alegasyon na binayaran at sinuhulan si Biazon upang pumanig sa kampo ni Pangulong Arroyo.

Sinabi ni Presidential Spokesman on Campaign Issues at head ng K4 media bureau Mike Defensor na isang may prinsipyong tao si Biazon at hindi matatawaran ang integridad nito kaya hindi makatarungan ang paratang ni Roco. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments