Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni Misuari sa loob ng kulungan na kahit nasasaktan siya sa kanyang sinapit, nananawagan siya sa sambayanang Muslim na iboto si Pangulong Arroyo.
Sinabi ni Misuari na naniniwala siya na tanging si Pangulong Arroyo ang pinakamainam na suportahan ngayong eleksiyon dahil sa pananaw nito sa kapayapaan at pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.
"Siya lang ang susi sa pagkakaisa at kapayapaan," wika ni Misuari mula sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, nagulat at ikinatutuwa ng Pangulo ang pahayag ni Misuari sa kabila ng pagpapabilanggo sa kanya dahil sa kasong rebelyon.
Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo na maaaring suportado ni Misuari ang Pangulo dahil sa malaki ang nagawa ng Presidente sa pagsusulong ng mga programa ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao. (Ulat nina Lilia Tolentino at Ely Saludar)