'Panggulo' nagsunog ng Konstitusyon

Dahil sa galit, kinondena ng isang idineklarang "nuisance candidate" ang pamunuan ng Comelec sa pamamagitan ng pagsunog ng libro ng 1987 Philippine Constitution at Omnibus Election Code kahapon.

Umuusok sa galit na sumugod kasama ang kanyang mga tagasuporta si Atty. Elly Pamatong, dating legal counsel ni ARMM chairman Nur Misuari sa harapan ng Comelec building sa Intramuros, Maynila at sinunog ang libro ng Saligang Batas upang ipakita ang aniya’y bulok na sistema ng pamahalaan dahil sa hindi pagsunod ng Comelec sa itinatakda ng batas.

Sinabi ni Pamatong, may diskriminasyon at kinikilingan ang Comelec sa pagpili ng kandidato dahil idinaan lamang umano sa pagiging popular ang pagpili sa mga ito at hindi nasunod ang mga requirements ng bawat gustong kumandidato.

Si Pamatong na tumatakbong independent ay magugunitang ipinosas ang sarili sa gate ng Comelec matapos na isa ito sa bumagsak sa screening ng mga kuwalipikadong kandidato sa pampanguluhan at idineklarang pampagulo lamang na kandidato. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments