Inihayag kahapon ni Sen. Lacson na mas pagtutuunan niya ng pansin ang paglalatag ng kanyang plataporma sa mga mamamayan kaysa sa kumanta at magsayaw na ginagawa ng ilang pulitiko.
"I firmly believe that politicians who hire the services of movie actors and comedians in their campaign sorties lack the confidence to gather huge crowds for their rallies," pahayag ni Lacson.
Hindi aniya siya gagaya sa ibang kandidato at mga trapo (traditional politicians) na puro kantahan at sayawan ang ginagawa sa kanilang pangangampanya.
Mas dapat aniyang pagtuunan ng pansin ang pagtalakay sa mga isyu na nakakaapekto sa mga Pilipinong botante dahil ang suliraning kinakaharap ng mga mamamayan ay mas seryoso kumpara sa pagkakaroon nila ng tatlong beses na makakain sa isang araw.
Hindi aniya dapat gawing circus ang presidential campaign dahil seryoso itong bagay.
Pagkatapos ng matagumpay na kick-off rally ni Lacson sa Cavite, nagtungo ang grupo nito kahapon sa Davao provinces at North Cotabato. (Ulat ni Malou Rongalerios)