Manapat inabsuwelto ng Senado

Absuwelto na si dating National Archives Ricardo Manapat matapos harangin ng mga senador na kaalyado ng administrasyon ang pagpapatibay ng committee report para makasuhan ito dahil sa pamemeke ng dokumento para lamang madisqualify sa presidential elections si Fernando Poe Jr.

Sa isinagawang botohan kamakalawa ng gabi sa report ng Senate committee on constitutional amendments, revision of codes and laws, siyam na senador ang pumabor sa naturang report subalit siyam din ang nag-abstain.

Para kay Senate President Franklin Drilon, hindi nakapasa sa kapulungan ang nasabing committee report dahil kulang ito ng isang boto.

Ngunit ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto, hindi maituturing na boto ang abstention ng siyam na senador kung kaya maituturing na approve ang nasabing report.

"Hindi pala lahat ng matatalino ay marunong magbilang at umintindi ng abstention vote. An abstention vote is not a vote against nor a vote for an issue. Parliamentary procedure was blatantly disregarded in last night’s session," sabi ni Sotto.

Aniya, kung alam lang umano ng oposisyon na uutakan sila ng administration solons ay hindi sana sila sumang-ayon sa pagpapatibay ng ilang local bills na ipinakiusap pa ng ilang administration solon.

Nabatid pa na nagsigawan sina Sotto at Sen. Robert Barbers dahil sa pagtatalo kung aprubado o hindi ang nasabing committee report.

Dahil dito, hindi na maipadadala ng Senado sa Ombudsman at Department of Justice ang findings ng komite para kasuhan si Manapat ng infidelity to custody of documents, falsification of documents, perjury, incriminatory machination, graft, theft at obstruction of justice.

Hindi na rin uusad ang disbarment proceedings laban kay Atty. Victorino Fornier na siyang gumamit ng pekeng dokumentong ginawa ni Manapat.

Hindi na rin puwedeng isailalim sa custody ng Senate Sgt.-at-Arms ang mga testigong sina Remmel Talabis, Vicelyn Tarin, Emman Llamera, Felix Loqueng at William Duff. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments