Boto kay FPJ masasayang lang -Roco

Masasayang lamang ang boto ng taumbayan kay Fernando Poe Jr. sakaling mapatunayan ng Supreme Court na hindi siya tunay na Pilipino.

Ito ang tahasang sinabi ni dating Education secretary Raul Roco bilang reaksiyon sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagbabasura sa citizenship case laban sa action king.

Ayon kay Roco, dapat nang magdesisyon kaagad ang Supreme Court hinggil dito upang hindi masayang ang boto ng taumbayan sa isang kandidatong walang karapatang tumakbo bilang pangulo.

"Kundi kuwalipikado si FPJ sa inaasam nitong posisyon dapat kaagad na maipaalam natin sa botante na masasayang lamang ang kanilang boto sa isang kandidatong hindi angkop na tumakbong pangulo," paliwanag niya.

Hiniling niya sa SC sa pamamagitan ng 6-pahinang motion for intervention na payagan siya na makialam sa naturang kaso ni FPJ dahil siya ay mayroong legal interest dito bilang isa ring presidential candidate.

Binigyang diin nito na may mga kuwestiyong legal sa citizenship ni Roco kaya marapat lamang itong busisiin ng SC.

Naniniwala si Roco na walang ibang makakalutas sa citizenship issue ni Da King kundi ang SC alinsunod sa itinatadhana ng Article VIII, Section 4 ng Saligang Batas.

Noong Pebrero 3, inako ng Korte Suprema ang kaso at inatasan nito ang Comelec, Office of the Solicitor General, abogado ni FPJ at complainant sa kaso na si Atty. Victorino Fornier na magsumite ng comment sa loob ng 10 araw.

Sinabi nina Attys. Ma. Jeannete Tecson, Felix Desiderio at Zoilo Antonio Velez na walang karapatan ang Comelec na ibasura ang citizenship case laban kay FPJ noong Enero 23, 2004.

Anila, hindi dapat nagpalabas kaagad ng ruling ang Comelec at ibinasura sana kaagad ang petisyon sanhi ng kawalan ng jurisdiction. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments