Sa rekomendasyon ng committee on constitutional amendments, revision of codes and laws and electoral reforms at blue ribbon committee, pinasasampahan ng kasong falsification of public documents, perjury, infidelity in custody of public documents, incriminatory machination, obstruction of justice, graft at theft si Manapat.
Batay sa draft committee report na pinapaikot sa mga miyembro ng dalawang komite, dapat sampahan ng kasong kriminal at administratibo si Manapat matapos lumitaw na pineke lamang ang dokumento ng magulang ni FPJ para palitawin na hindi ito Filipino citizen.
Kabilang sa mga nakalagda sa report sina Senators Serge Osmeña, Edgardo Angara, Juan Flavier, Ramon Magsaysay Jr., Loren Legarda at Aquilino Pimentel.
Inirekomenda din ng komite ang disbarment ni Atty. Victorino Fornier matapos umanong makipagsabwatan ito kay Manapat ng isumite bilang ebidensiya sa petisyon nito sa Comelec ang pinekeng dokumento para ma-disqualify si FPJ.
Magugunita na idiniin ng tatlong empleyado ng Archives na sina Vicelyn Tarin, Emman Llanera at Remmel Talabis si Manapat na nag-utos sa kanila para doktorin ang dokumento ng magulang ni Da King. (Ulat ni Rudy Andal)