Sa ginawang pagharap ng mga bangkero at negosyante sa isinasagawang imbestigasyon sa Senado, idinepensa ng mga bangkero at negosyante ang ginawang pagbenta ng SSS ng shares nito sa Equitable-PCI Bank sa Banco de Oro.
Sinabi nila na mga eksperto ang mga miyembro ng komite na siyang nag-aral at nagdesisyon sa naturang bentahan ng shares.
"Pinag-aralan ito ng husto bago ginawan ng desisyon. Ito na ang pinakamagandang deal na makukuha ng SSS sa pagbebenta ng shares, P800 million taun-taon ang kikitain ng ahensiya dito sa loob ng 6 1/2 years," pagdidiin nila.
Bukod kay Corazon de la Paz, presidente ng SSS, kasama rin sa naturang komite si Sergio Ortiz Luis, dating presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na siya ring chairman ng Import-Export Bank; Donald Dee, presidente ng Employers Confederation of the Phils. at iba pang mga negosyante at bangkero.
Tumanggap na ang naturang ahensiya ng P1 bilyong paunang bayad mula sa Banco de Oro na maaari nitong magamit kasabay ng katiyakang makakakuha ito ng kabuuang P15 bilyon investment sa loob lamang ng anim na taon.
Idinagdag pa nito na ang pagbebenta ay nagbigay ng seguridad sa miyembro ng SSS sapagkat nakatiyak na ang naturang ahensiya na nabawi nito ang puhunan at maaari pang kumita matapos ang sunud-sunod na pagbagsak ng "trade price" sa nakalipas na dalawang taon.
Matatandaan na bumulusok ang halaga ng share at sumemplang pa sa P16 noong 2001 matapos na bilhin ng SSS sa halagang P76 ng taong 1999 sanhi ng mga isyung pulitikal at hamon sa seguridad ng bansa.
Agad namang nagpakita ng "investors confidence" ang halaga ng share at umakyat ang market value nito sa P43 matapos pumasok ang Banco de Oro sa pagbili ng shares. (Ulat ni Rudy Andal)