Tanging si Archives on-leave director Ricardo Manapat ang naigisa ng mga mambabatas na muling pinabulaanan ang akusasyon laban sa kanya sa sinasabing pamemeke ng mga dokumento ni action king Fernando Poe Jr.
Ayon sa isang kongresista na miyembro ng komite na nag-iimbestiga sa kontrobersiya, ang hindi pagsipot ng mga empleyadong sina Emman Llamera, Remmel Talabis at Vicelyn Tarin ay isang indikasyon na sila ay may itinatagong lihim na ayaw nilang mabulgar.
Ang tatlo ang nag-akusa kay Manapat na siyang nag-utos sa kanila upang doktorin umano ang marriage certificate ng ama ni Da King kay Paulita Gomez.
"Kung totoong dinoktor ang mga dokumento, dapat na papanagutin ang mga may sala. Ngunit kung wala silang inililihim, dapat sana ay sumipot sila," wika ng kongresista.
Kamakailan ay napabalitang si Remmel Talabis na isa sa mga testigo ay pamangkin ni FPJ. Ang ama nitong si Robert Talabis alyas Robert Talbis ay pinsan ni FPJ at matagal nang naninilbihan bilang stuntman ng FPJ Productions na pag-aari ni Da King.
Ang nasabing hearing ay ipinatawag upang mabigyang linaw ang maraming katanungan at upang papanagutin ang sinumang may sala sa akusasyong pandodoktor ng mga mahalagang dokumento na nakatago sa Archives.
Lumabas sa nasabing public hearing na mayroon pang isang duplicate microfilm na nasa pangangalaga ng Office of the Civil Registrar ng Quezon City ang magbibigay liwanag sa isyu ng citizenship ni Poe.
Sinabi ni Manapat na sa duplicate microfilm, makikita ang notarial records ng kasal sa pagitan nina Allan Fernando Poe Sr. at Paulita Gomez at maging ang affidavit of complaint na inihain ni Gomez laban kay Poe dahil sa kasong bigamy.
Iginiit ni Manapat na kung masusuri lamang mabuti ang nasabing microfilm at maipapakita ito sa publiko ay malilinis niya ang kanyang sarili laban sa akusasyon ng mga dati niyang empleyado.
Sinabi naman ni Manapat sa komite na kung kinukuwestiyon ang authenticity ng mga dokumento ay maaari namang i-double check ang mga ito sa National Library o kaya ay sa National Statistics Office.
Hindi anya maaaring mapeke ang microfilm.
Ipatatawag ng komite sa susunod na pagdinig ang city registrar ng QC at mga opisyal ng National Library. (Ulat ni Malou Rongalerios)