Ayon kay Sen. Pimentel, lumabag si Chairman Abalos at mga commissioners na sina Luzviminda Tancangco, Ralph Lantion, Mehol Sedain, Resureccion Borra, Rufino Javier at Florentino Tuason sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No.3019.
Isinampa ni Pimentel ang kaso sa kabila nang naunang pahayag ng Ombudsman na hindi nila maaaring imbestigahan ang mga "impeachable officials" hanggat hindi ang mga ito napapatalsik ng Kongreso sa pamamagitan ng impeachment trial.
Ikinatuwiran naman ni Pimentel na walang probisyon sa Konstitusyon na nagsasabing kailangan munang patalsikin ang mga impeachable officials ng Kongreso bago ang mga ito makasuhan sa korte.
Ayon sa senador, imposible nang maisulong ang impeachment complaint dahil wala ng 20 session days ang nalalabi sa 12th Congress bago tuluyang magsara sa Hunyo 30.
Idinagdag ni Pimentel na dapat lamang kasuhan ang mga opisyal ng Comelec at papanagutin ang mga ito bago pa makawala dahil sa ginawa nilang pagtanggap sa 1,973 automated counting machines kahit na hindi accurate ang mga ito.
Hinihintay ng Ombudsman ang kasagutan ng Comelec para maumpisahan na ang pagdinig sa kaso. (Ulat ni Malou Rongalerios)