Ang grupo ng Mamamayang Kabalikat sa Bansa (MakaBansa) at partylist na Alyansa ng Sambayanan Para sa Pagbabago (SAP) ay nagsagawa kahapon ng kilos protesta na sinimulan sa Plaza Lawton patungo sa Comelec sa Intramuros, Maynila subalit agad na hinarang ng mga tauhan ng WPD ang dalawang malaking grupo kaya sa harap na lamang ng Bureau of Immigration sila nakapagdaos ng programa.
Ayon kina Cyril Manaog ng MakaBansa at Rolando Marcelo ng ASAP, hindi sila titigil sa pagsasagawa ng kilos protesta sa ibat ibang lansangan sa Metro Manila hanggat hindi pinapakinggan ang kanilang kahilingan para sa pagpapatupad sa "automation law."
Maging sa Palasyo ng Malacañang at Korte Suprema ay handang lumusob ang mga ito para kalampagin ang lahat ng opisyal at mahistrado at igiit ang kahalagahan ng computerized elections.
Nanawagan ang grupo kay Chairman Benjamin Abalos na ipakita nito ang kanyang "guts and balls" para manindigan at ipaglaban ang automation law. (Ulat ni Ellen Fernando)