Kaso ng 20 Pinoy sa Brunei inaksyunan

Umaksyon na ang Embahada ng Pilipinas sa Brunei hinggil sa kaso ng may 20 Pilipino na nabiktima ng illegal recruitment at human trafficking.

Sa overseas call ng isa sa 20 Overseas Filipino Workers (OFWs) na si Arnold Gamotea, tubong Brgy. San Leon, Moncada, Tarlac, sinabi nito na agad na kumontak ang Embahada at hinanap ang kanilang kinaroronan sa Berakas, Brunei Darussalam.

Nakatakdang tumungo ang mga manggagawa sa Embahada ngayong araw bandang alas-10 ng umaga upang personal na magsampa ng reklamo at makapanayam si Carmelina Velasquez, labor attache ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inatasan ni OWWA director Marianito Roque na siyang maghanap sa mga Pinoy doon na unang inireport na pinipigil sa dalawang "stop house" at walang mga trabaho.

Ang mga manggagawa ay magkakasunud na ni-recruit ng isang Ernesto Yarcia ng Brgy. Burgos, Moncada at kinuhanan ng halagang P65,000-P95,000 bawat isa. Ang human trafficking syndicate na ito na umano’y pinamumunuan ng isang Zenaida Bartolome, at isang Tessie Abdullah, pawang mga Pinay na nakabase sa Brunei ay pinoprotektahan ng ilang ahente ng BI at NBI kaya malayang nakakapuslit ang mga biktima sa bansa. Sila ay pinangakuan nina Yarcia at Bartolome na bibigyan ng trabaho sa Brunei subalit matapos ang dalawang buwang pananatili doon ay wala pa rin silang trabaho. Nagpaplano pa umano si Bartolome na ipuslit ang mga manggagawa patungong Malaysia. Sasampahan ng mga OFWs na pawang undocumented ng mga kasong human trafficking at illegal recruitment sina Yarcia, Bartolome at Abdullah. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments