Ang rally ng pro-automated election ay pangungunahan ng grupo ng Mamamayang Kabalikat ng Bansa (Makabansa), Party-list group na Alyansa ng Sambayanan para sa Pagbabago (ASAP) at iba pang grupo na magsisimula dakong alas-9:30 ng umaga sa harap ng Banco Filipino sa Gen. Luna St., Intramuros.
Ayon kay Cyril Manaog, tagapagsalita ng Makabansa, magkakaroon umano ng malawakang dayaan sa halalan sa Mayo 10, 2004 election.
Sinabi naman ni Rolando Marcelo ng ASAP na magkakaroon sila ng "symbolic representation" hinggil sa kung ano ang mangyayari kapag bumalik ang bansa sa mano-manong halalan.
"Huwag na nating hayaang bumalik pa sa mapanupil na "Guns, Goons and Gold" (3-Gs) ang ating election," ani Marcelo.
Tiniyak naman ng grupo na hindi sila maghahasik ng kaguluhan sa kanilang paglulunsad ng rally. Mapayapa rin anilang iiwan ang Comelec, kapag natapos na ang kanilang programa at naiparating na sa kinauukulan ang kanilang hinaing. (Ulat ni Ellen Fernando)