Walang dagdag-bawas sa mano-mano

Iginiit kahapon ni Comelec Chairman Benjamin Abalos sa joint congressional body na walang magaganap na dagdag-bawas kahit gumamit ng manual counting ang komisyon sa darating na May 10 elections.

Nakumbinsi rin ni Abalos ang miyembro ng congressional oversight committee on absentee voting and electoral modernization na may sapat na kakayahan ang Comelec na pangasiwaan ang manual counting sa darating na eleksiyon.

Ipinaliwanag nito sa komite na pinamumunuan ni Sen. Edgardo Angara at Rep. Jeslie Lapus na hindi kailangang iusod ang nakatakdang May 10 polls sakaling magbalik sa manual counting dahil nakahanda naman ang komisyon sakaling magbalik sa manual counting ang elections gayundin ang pangangasiwa sa mga absentee voters na nasa ibang bansa sakaling tuluyang ibasura ng High Court ang kanilang petisyon para sa automated polls.

Idinagdag pa nito sa oversight committee na gamitin na lamang ang mga papel na dapat ay para sa balota sa automated polls na mayroong chemical security markings upang hindi masayang ito kaysa sa mungkahi ni dating Comelec chair Christian Monsod na umangkat ng dandy roll na lubhang magastos at baka hindi umabot sa takdang oras upang makapag-imprenta ng balota.

Bukod dito, isiniwalat din ni Abalos sa komite na mangangailangan ang Comelec ng P300 milyon taun-taon para lamang sa storage ng nasabing counting machines.

Nais din ni Abalos na gumamit ng electronic transmission mula sa mga munisipyo patungo sa provincial board of canvassers hanggang sa national office upang malaman kaagad ang resulta ng eleksiyon kaysa hintayin ang certificates of votes para sa Comelec quick count bukod sa quick count ng Namfrel. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments