Sinabi kahapon ni Senador Edgardo Angara, presidente ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) na nakahanda ang partido na palitan si Da King sakaling matalo ang KNP sa kasong disqualification.
"May napipisil na kami. Hindi nga lang puwedeng sabihin kung sino ang papalit kay FPJ," giit ni Angara.
Ipinaliwanag pa ni Angara na nasa batas natin na puwedeng palitan ang standard bearer ng sinumang partido hanggang katanghalian ng halalan dahil hindi naman natuloy ang automated counting matapos ibasura ng Supreme Court ang proseso ng Comelec.
Matatandaan na nagsampa ng disqualification case laban kay FPJ si Atty. Fornier matapos nitong matuklasan na hindi natural-born citizen ang actor.
Sa petisyon ni Fornier sa Comelec, kasal sa una (kay Paulita Gomez) ang ama ni FPJ na si Ronald Allan Poe na isang Kastila at hindi pa napapawalang-bisa, kaya hindi balido ang pagpapakasal nitong muli kay Bessie Kelley, isang American citizen na ina ni FPJ. Dahil dito, dapat lamang umanong sundin ni FPJ ang citizenship ng kanyang ina.
Ipinaliwanag ni Fornier na hindi maaaring tumakbo si FPJ sa pagka-pangulo dahil labag sa Saligang Batas na maihalal ang sinumang hindi natural-born citizen.
Kamakalawa, tuluyan nang sinampahan ng 2 counts ng kasong perjury at falsification of public documents sa Manila at Pasay Regional Trial Courts si FPJ makaraang madiskubre na pineke naman ni FPJ ang isinumiteng birth certificate na siyang ginamit naman nito sa paghahain ng Certificate of Candidacy.
Isinampa ang kaso nina Atty. Albert Villaseca at trial lawyer Melanio Balayan sa argumentong ginamitan umano ng electronic typewriter ang ilang mahahalagang detalye nito gayong wala pang electronic typewriter noong panahong isilang si Da King.(Ulat ni Rudy Andal)