Personal na naghain ng kasong 2 counts of falsification of public documents at perjury laban kay FPJ, Ronald Allan Kelley Poe sa tunay na buhay, sina Atty. Albert Villaseca at Marica Mondejar na kumakatawan sa Akbay Maralita sa Lungsod Silangan Townsite Reservation dahil gumamit ito ng pekeng dokumento upang makakuha ng pasaporte at patunayan na isa siyang natural-born citizen sa pagsusumite ng CoC.
Isinampa ang kasong perjury sa Manila Regional Trial Court dahil nilinlang niya ang Comelec sa pagsusumite ng CoC noong Enero 2, 2004 bilang standard bearer ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP).
Sinumpaan ni FPJ ang isinumiteng CoC kaya masasabing niloko niya ang Comelec dahil peke ang dokumentong ibinigay nito sa komisyon.
Sasampahan naman ng falsification of public documents si FPJ sa Pasay RTC sanhi ng alegasyon na nakakuha ito ng pasaporte gamit ang pekeng dokumento upang patunayan na isa siyang natural-born Filipino.
Hnihinalang pineke ni FPJ ang kanyang birth certificate upang makakuha ng pasaporte. Hinihinala ring ginamitan ng electronic typewriter ang detalye ng birth certificate ni FPJ na ipinanganak noong Agosto 20, 1939. Wala pang electronic typewriter noong panahong naipanganak ang actor.
Lumabas rin sa kanyang birth certificate na ipinanganak ito sa St. Lukes Hospital sa room 1015 noong Agosto 20, 1939 at bagamat nakalagay na American citizen ang kanyang ina, dinaya ng aktor ang nasyonalidad ng kanyang ama nang ilagay nito na Filipino at taga-San Carlos, Pangasinan.
Ayon kina Atty. Villaseca at Mondejar, wala silang nais na palitawin dito kundi ang katotohanan sa tunay na nasyonalidad ni Da King at wala rin umano silang political affiliation para hadlangan ang kandidatura nito.
Nauna nang nagsampa ng kaso si Atty. Victoriano Fornier upang madisqualify si FPJ sa kanyang kandidatura dahil hindi ito umano natural-born citizen. Mahigpit na ipinagbabawal sa Saligang Batas na tumakbo sa posisyon ng pangulo ang sinumang hindi natural-born citizen. (Ulat ni Gemma Amargo)