Nais ni Rep. Syjuco na magsagawa ng imbestigasyon at ipatawag ang mga opisyal ng Comelec bunsod na rin sa pagkakabasura ng Supreme Court sa automation ng eleksiyon.
Ayon sa resolusyon, dapat na pagpaliwanagin ang mga opisyal ng Comelec sa kanilang magiging susunod na hakbang sa eleksiyon.
Aniya, kinakailangang madaliin ng Comelec ang paghahanda ng mga implementing mechanism para sa mga pangangilangan sa "manual elections."
Sinabi naman ni Cibac Partylist Rep. Kim Bernardo-Lokin, dapat imbestigahan ng Ombudsman ang posibilidad na may pananagutan ang ilang opisyal ng Comelec sa palpak na kontrata na ibinigay ng ahensiya sa isang pribadong kumpanya sa automation.
Naniniwala si Lokin na may naganap na korupsiyon sa kontrata ng Comelec ng bumili ito ng may 2,000 units ng automated counting machines na gagamitin sa Mayo 10.
Idinagdag naman ni Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada, malinaw na nagkaroon ng iregularidad sa kontratang pinasok ng Comelec kaya dapat lamang managot sa batas ang mga opisyal ng komisyon.
Nais ni Lozada na magtayo ng isang independent body upang imbestigahan ang maanomalyang kontrata ng Comelec at Mega Pacific Consortium. (Ulat ni Malou Rongalerios)