Inaasahan na sa isasagawang en banc session ngayong araw ay kabilang sa tatalakayin ang pagresolba sa usapin kung nararapat bang ituloy ang kontrata ng Mega Pacific Consortium, ang nanalong kumpanya na siyang panggagalingan ng mga gagamiting counting machines sa nalalapit na halalan.
Magugunita na nagsampa ng petition for certiorari ang Information Technological Foundation (Infotech) kung saan kinuwestiyon nito ang pag-award sa Mega Pacific Consortium ng nabanggit na kontrata. Iginiit ng Infotech na mahinang klase umano ang mga makinang ipinoprodyus ng nanalong kumpanya.
Ngunit sa isinagawang pagsusuri ng Department of Science and Technology (DOST), lumalabas na wala namang depekto ang naturang mga computer ng Mega Pacific kaya tuluyan nang nai-award ang kontrata dito.
Nakasalalay sa Korte Suprema kung matutuloy ang automation sa May 10 polls at kung hindi nito idedeklara ng illegal ang kontrata ay inaasahan nang babalik na naman sa mano-mano ang pagbibilang ng mga balota.
Kaugnay nito, isang mapagkakatiwalaang impormante mula sa SC ang nagsabi na posible umanong katigan ang petisyon ng Infotech at maibasura ang kontrata ng Mega Pacific. Mayorya umano sa mga mahistrado ay pabor sa pagdedeklarang null and void ang nasabing kontrata sa Mega Pacific. (Ulat ni Grace dela Cruz)