Kinilala ni PNP-AID-SOFT chief, P/Deputy Director Gen. Edgardo Agli-pay ang nahuling suspek na si Mico Tan, 36 anyos, gumagamit ng Pilipinong alyas na Antonio Nabas.
Nabatid na umaabot sa mahigit P60-M ang halaga ng nasamsam na 25 kilo ng shabu, mga kemikal at kagamitan sa paggawa ng illegal na droga sa nasabing operasyon.
Si Tan ay nasakote sa ni-raid ng shabu research laboratory na matatagpuan sa Room 1803 Bayiew Tower II International, Roxas blvd., Parañaque City.
Ang magkakasunod na raid ay nag-umpisa kahapon bandang alas-9 ng umaga at natapos bago mag-tanghali.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Tan ang mga kemikal sa paggawa ng droga na kinabibilangan ng ephedrine, food colorings na ginagamit sa paggawa ng droga, aklat hinggil sa pagma-manufacture nito, RP passport at tatlong drivers license sa ibat ibang pangalan.
Ayon sa opisyal, natagpuan rin sa lugar ang isang mini-laboratory kung saan gumagawa si Tan ng mga samples ng shabu na idini-distribute nito sa kanyang mga kontak na drug pushers.
Sinalakay rin ang isa pang shabu lab na matatagpuan sa kahabaan ng New Delhi St., BF Tourist International at isinunod ang isang inabandonang shabu warehouse sa #2 Aguilar Ave., Talon Uno, Las Piñas.
Nabatid na umaabot sa 25 kilo ng shabu products, shabu precursors ang nasamsam sa operasyon sa Las Piñas.
Sinabi ni P/Supt. Nelson Yabut, PNP-AID-SOFT team leader na si Tan ang nagsisilbing chemist ng itinuturing na pinaka-bigtime drug lord sa bansa na si William Ghan.
Magugunita na si Ghan ay nagmamantine ng dalawang shabu lab at warehouse na ni-raid ng mga awtoridad noong nakalipas na taon. Naaresto ito sa Quezon City kamakailan.
Nagpapatuloy naman ang operasyon ng PNP-AID-SOFT upang masakote ang mga nasa likod ng ni-raid na bodega, laboratoryo at re-search lab ng shabu.(Ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)