Sa kanilang apela kay Environment and Natural Resources Sec. Elisea Gozun, makailang ulit na silang dumulog kay Bulacan Gov. Josie dela Cruz para ipatigil ang quarrying subalit hindi sila pinapakinggan nito.
Ayon sa mga residente, malaking bahagi na ng Brgy. Marungco, Angat ang natitibag dahil sa mas pinatinding operasyon ng mga quarrying company na lalong naglalagay sa panganib sa mga residente kapag umuulan.
Bago pa man magreklamo ang mga residente, sinulatan na ng DENR si Gov. dela Cruz sa pamamagitan ng Mines and Geosciences Bureau, Regional Office 3, para aksyunan sa lalong madaling panahon ang nakaambang panganib dulot ng talamak na quarrying sa naturang lugar. Napilitan na lamang ang mga residente na tumungo kay Sec. Guzon sa Visayas Avenue, Quezon City dahil sa hindi sila pinapansin ni Gov. dela Cruz. (Ulat ni Doris Franche)