Kinilala ni P/Deputy Director Gen. Edgar Aglipay, chief ng PNP-AID-SOFT ang nahuling suspek na si William Gan, 34, gumagamit ng mga alyas na Willy Gan at James Go Ong. Si Gan ay nadakip kasama ang 33-anyos nitong girlfriend na si Jia Shuzin dakong 8:30 ng gabi sa harapan ng San Lorenzo Ruiz Church sa Binondo.
Sinabi ni Aglipay na ang pagkakaaresto sa suspek ay alinsunod sa mission order na ipinalabas ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) kaugnay ng paglabag sa Immigration laws matapos ang mga itong mapatunayang illegal alien.
Si Gan umano ang utak sa dalawang shabu lab sa Brgy. Mapulang Lupa sa Valenzuela City noong Nob. 11, 2003 na nakunan ng 119 kilo ng shabu maliban pa sa bultu-bultong mga kemikal at laboratory equipment na umaabot sa bilyong halaga.
Nakasamsam rin ng 728 kilo ng ephedrine, shabu chemicals at mga kagamitan sa paggawa ng droga sa isinagawa namang raid sa Santolan, Pasig City.
Pinuri naman ni Pangulong Arroyo ang AID-SOFT at sinabing ang pagkakabitag kay Gan ay isang malaking tagumpay sa kampanya laban sa bawal na gamot dahil ito ang responsable sa 1/4 ng produksiyong droga sa bansa sa pamamagitan ng dalawang laboratoryo sa Valenzuela na nakakagawa ng 1,000 kilo sa isang linggo na ang kita ay hindi bababa sa P10 bilyon isang buwan. (Ulat nina Joy Cantos/Lilia Tolentino)