Ayon kay AFP Vice Chief at Spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia, inaatasan na nila ang lahat ng field commanders para sa panunumbalik ng military offensives kontra sa mga rebeldeng komunista.
Nabatid na kahit naka-amba na ang opensibang militar matapos ang itinakda nilang pansamantalang tigil putukan ay hinihintay pa rin nila ang pinal na desisyon ng Malakanyang upang bawiin ang pinaiiral na Suspension on Military Offensives.
Sinasabing nagpapahiwatig ang Malacañang ng posibilidad na palawigin pa ang pinatutupad na ceasefire na nagsimula noong Disyembre 2 hanggang Enero 2 matapos na masangkot sa dalawang insidente ng paghahasik ng terorismo habang umiiral ang ceasefire.
Ayon kay Garcia kabilang sa paglabag ng NPA sa ceasefire ay matapos na masangkot ang mga ito sa pambobomba sa Globe cell site sa Carmona, Cavite at paglikida sa isang military enlisted officer at anak nito sa Samar nitong nakalipas na buwan ng Disyembre at noong nakaraang linggo.
Magugunita na ang pamahalaan ay nagdeklara ng 28 araw na ceasefire na inumpisahan nitong Disyembre 15 at magtatapos ngayon kung di magbabago ng desisyon ang Pangulo habang ang mga rebelde ay mula Disyembre 20 hanggang nitong nakalipas na Enero 4. (Ulat ni Joy Cantos)