Bulag na abugado kasama sa senatorial ticket ni Roco

Isang bulag na abugado ng 18-taon miyembro ng New York Bar ang nanumpa kahapon bilang miyembro ng Aksyon Demokratiko at sumali sa senatorial ticket ni presidential aspirant Raul Roco.

Si Nicanor Gatmaytan Jr., isang miyembro ng University of the Philippines Law Class 1973 at taga-Scout Ybardolaza, Quezon City, ang magiging tagapagtaguyod umano ng mga karapatan ng mga may kapansanan.

Ito ayon kay Roco ay kasama sa "inclusiveness policy" ng Aksyon Demokratiko.

Si Gatmaytan ay nakilala sa pagpunta sa mga hearing sa Court of Appeals at Supreme Court na ginagawa sa pamamagitan ng dictation na siyang nagsusulat sa Brailie upang maintindihan niya ito.

Si Gatmaytan ang nagbibigay ng libreng serbisyo sa anim na grupo ng mga may kapansanan.

Ayon sa National Council for the Welfare of Disabled Person, tinatayang nasa 10 porsiyento ng 82 milyong populasyon ng bansa ang may kapansanan.

Sa naturang bilang, 75 hanggang 85 porsiyento ang nakatira sa rural areas. Ang karamihan naman ng rehabilitation services ay nakabase sa mga urban areas at halos tatlong porsiyento lamang ang naseserbisyuhan ng mga ito.

Sa pinakahuling talaan, umaabot na sa 4.5 milyon ang mga batang mayroong special needs.

Kahit na umano mayroong mga batas na pumoprotekta sa karapatan ng mga may kapansanan, sinabi ni Roco na marami pang mga pangangailangan ang hindi nakukuha ng mga ito. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments