Sa isang panayam, sinabi ng chairman ng House committee on national defense na sumusuporta na rin ang ibang mga kongresista sa kanyang panawagan dahil lubos na makabubuti ang paghaba ng tigil-putukan sa mamamayang Pilipino at para sa bansa.
Ani Pichay, ang mahabang tigil-putukan ay magbibigay din ng senyales na seryoso si Pangulong Arroyo na patahimikin ang mga hidwaan at hindi pagkakasundo sa panahon ng halalan.
"Karapat-dapat lang din na suportahan ito ng CPP-NPA dahil tumatakbo para sa Kongreso ang mga partylist representatives na kaalyado sa kanila. At dapat lamang magtulungan tayong lahat upang palawigin ang ceasefire na hindi magkaroon ng hadlangin sa pagpipili ng mga mabubuti at wastong lider ang ating mga mamamayan sa Mayo," sabi ni Pichay.
Ayon pa kay Pichay, matutupad ang pangarap ng mamamayan na magkaroon ng isang malinis, maayos at mapayapang halalan kung magkakaroon ng isang mahabang tigil-putukan sa pagitan ng militar at mga rebelde. (Ulat ni Malou Rongalerios)