Milyong dolyar na relief goods ng US at Japan dinala sa S. Leyte

Tinatayang aabot sa milyong dolyar na donasyong relief goods ang ipinamahagi ng bansang Amerika at Japan para sa mga biktima ng landslide sa Southern Leyte.

Ito ang nabatid kahapon kay AFP-Public Information Office (AFP-PIO) chief Lt. Col. Daniel Lucero matapos itong makipagtalastasan kay Karen Kelly ng US Embassy.

Ayon kay Lucero, pasado alas-6 ng gabi kahapon ng ihatid ng mga kinatawan ng US at Japan sa Southern Leyte ang daan-daang piraso ng mga ready-to-eat meal, 12,000 pares ng mga damit at iba pa na inilulan sa C-130 ng Phil. Air Force. Nagpaabot din ng pakikiramay ang mga kinatawan ng US at Japan sa nagdadalamhating mga kaanak ng mahigit 200 biktima ng nasabing trahedya.

Kaugnay nito, umaabot na sa mahigit P4-M ang pinsala sa ari-arian, imprastraktura at agrikultura sa pananalanta ng kalamidad sa Region VI, VII at Caraga Region.

Sa pinakahuling pagtataya ng National Disaster Coordinating Council, umaabot sa kabuuang P221, 533, 466 milyon ang halaga ng pinsala sa naturang mga lugar. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments