Ayon sa isang source, pinapakiramdaman umano ngayon ng kampo ni Legarda kung tatakbo pa rin si de Castro kahit nag-usap na ang dalawa kamakailan kung saan ipinaalam umano ng huli na hindi siya tatakbo.
Nangangamba umano ang kampo ng senadora na biglang magbago ng isip si de Castro dahil kapag naghain na ng certificate of candidacy si Legarda para tumakbo sa vice presidential elections at tanggapin ang alok ni Fernando Poe jr. na maging running mate nito, hindi na maaaring umatras ang lady solon sakaling tumakbo rin sa nasabing posisyon si Kabayan.
Ngunit para kay Sen. Vicente Sotto, campaign manager ni FPJ, naniniwala itong hindi magiging problema ng mapipiling running mate ni FPJ ang lakas ng hatak ni de Castro dahil madadamay naman ng popularidad ng action king ang kanyang bise.
Samantala, itinanggi naman ng kampo ni de Castro ang balitang nagbigay-daan ang senador sa kandidatura ni Legarda.
Idinagdag pa ng source na hindi pa nagbibigay ng pormal na pahayag si de Castro kung tatanggapin ang alok ni Pangulong Arroyo na maging running mate nito, o manatili na lamang bilang senador. (Ulat ni Rudy Andal)