'Babalik ako' - Erap

Tiniyak ni dating Pangulong Estrada na hindi matatapos ang tatlong buwang palugit ng Sandiganbayan at babalik siya sa bansa.

Sa isang phone interview sa kanyang detention cell sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, sinabi ng dating pangulo na dalawang buwan lang siyang mananatili sa Amerika at ang nalalabing isang buwan ng pagpapagaling ay dito na niya gugugulin sa Pilipinas.

Ayon kay Estrada, bagaman noong una ay atubili siyang umalis para magpa-opera sa US, wala na siyang magagawa dahil patuloy na lumalala ang kanyang karamdaman.

Bukod sa kanyang osteoarthritis sa dalawang tuhod, natuklasan ding may multiple slip disc si Estrada sa ginawang diagnosis sa Asian Medical Center noong Oktubre.

Sinabi ng mga doktor dito na kung hindi maooperahan si Estrada ay tuluyan na siyang mababalda at hindi makakalakad.

Ang desisyon ng Sandiganbayan para payagan si Erap na makapagpaopera sa US ay naganap kamakalawa matapos bumagsak ang dating presidente sa semento at mabagok ang kanyang noo dulot na rin ng mahina niyang mga tuhod.

Sinabi ni Estrada na kasalukuyang nakikipag-ugnayan pa lang siya sa kanyang doktor na si Dr. Christopher Mow sa US para maihanda ang petsa ng kanyang pagpunta sa US pati na ang operasyon.

Samantala, nakatakdang maghain ng apela sa Korte Suprema ang panig ng prosekusyon para harangin ang paglabas ng bansa ni Estrada.

Sinabi kahapon ni Asst. Ombudsman Dennis Villaignacio na hindi dapat pinayagan ang kahilingan ni Estrada dahil "risky" aniya na makalabas ito ng Pilipinas sa posibilidad na tuluyan na itong hindi bumalik upang harapin ang pagdinig sa kasong plunder.

Nakikiramdam lamang aniya ang kampo ni Estrada sa takbo ng asunto kaya nagpupumilit itong makaalis ng bansa dahil sa loob ng 8 buwan ay hindi pa makapagprisinta ng ebidensiya si Estrada na kokontra sa akusasyon sa kanya.

Hindi rin umano maaaring panghawakan ang mga kondisyones na ibinigay ni Estrada kahit ang pagpapadala ng PNP ng apat na escort nito bilang bantay niya habang nasa Amerika dahil walang bisa ang pagiging pulis ng mga ito sa ibang bansa.

Agad maghahain ng motion for reconsideration ang panig ng prosekusyon at kung ibabasura ito ng Sandiganbayan, agad nila itong iaakyat sa Korte Suprema sa isang petition for certiorari. (Ulat nina Lilia Tolentino/Malou Rongalerios)

Show comments