Sinabi ni Presidential Political Campaign Spokesman Mike Defensor na hindi na magsasagawa ng marangyang proklamasyon sa kandidatura ng Pangulo kasama ang kanyang magiging running mate at official ticket sa senatorial slate.
Ayon kay Defensor, wala pang tiyak na petsa kung kailan ito isasagawa dahil hindi naman kailangan ang mahabang panahon na paghahanda dahil ito ay napakasimple lamang.
Tiniyak ni Defensor na bago sumapit ang Comelec deadline na Enero 5, 2004 sa pagpapa-file ng certificate of candidacy (COC) ay matatapos na ang selection process ng ruling party.
Samantala, muling nanawagan ang Malacañang sa oposisyon na tapusin na ang mga batuhan ng akusasyon.
Sinabi ni Defensor na dapat ay magpatalbugan na lamang sa pamamagitan ng mga plataporma at walang personalan.
Nilinaw din ni Defensor na hindi gagawa ng mga maruming estratehiya ang Palasyo laban sa katunggali nito sa pulitika.
Ang pahayag ni Defensor ay kaugnay ng bintang ng kampo ni Fernando Poe Jr. na pinagbabawalan ni Pangulong Arroyo na ipagamit ang gusali ng Veterans building sa Quezon City upang maging national headquarters ni FPJ para sa kampanya sa 2004 presidential elections. (Ulat ni Ely Saludar)