Ayon sa source, sadya umanong inagahan ni Datumanong ang pag-alis sa puwesto upang maiwasan ang midnight cases na planong isubo sa kanya na dedesisyunan nito bago pa siya tuluyang magresign.
Ayaw na umanong harapin ni Datumanong ang mga nakabinbing political cases at upang hindi siya magipit at makasakit ng damdamin ng magkabilang panig ay ipinasya na lamang nitong tanggihan ang mga magsasamantala na hatulan ito.
Bukod dito, inamin ni Datumanong na gusto niyang magkaroon ng sapat na panahon si Pangulong Arroyo sa pagpili ng kapalit nito.
Sa araw na ito, pipilitin ni Datumanong na tapusin ang kanyang mga naiwang trabaho at tuluyan nang haharap sa mga kawani at opisyal ng DOJ upang magpaalam.
Si Datumanong ang ikalawang gabinete ng pangulo na magbibitiw kasunod ni Trade and Industry secretary Mar Roxas III. Noong Enero 4, 2003 nang mailipat si Datumanong sa DOJ nang magbitiw si dating Justice secretary Hernando Perez.
Kabilang naman sa pinagpipilian na papalit kay Datumanong ang nagkakairingang sina Justice Usec. Jose Calida na inindorso ng Jesus is Lord (JIL) at Justice Usec. Merceditas Gutierrez na kaklase at kaibigan ni First Gentleman Mike Arroyo. (Ulat ni Ludy Bermudo)