Ayon kay Senate President Franklin Drilon, kuntento na sila sa paliwanag ni Comelec Chairman Benjamin Abalos na Enero 5 ang absolute deadline sa paghahain ng COC dahil sa ipatutupad nilang Absentee Voting Law.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang botohan ng mga Pinoy sa ibang bansa ay magaganap 60 araw bago ang aktuwal na eleksiyon sa Pilipinas sa Mayo 10.
Sinabi ni Drilon na naiintindihan niya ang problema ng Comelec dahil kailangan pa nilang mag-imprenta ng mga balota upang ipadala sa ibat ibang bansa upang makaboto ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at immigrants.
Nais ni Drilon na palawigin sa Enero 15 ang orihinal na deadline na Enero 2 samantalang si opposition Sen. Edgardo Angara ay humihirit na iurong pa ito sa Enero 31.
Samantala, sinabi naman ni Comelec Director IV Ferdie Rafanan, umaabot na sa 25 na indibidwal ang nagsumite ng kanilang COC sa pampanguluhang posisyon, apat sa senador, dalawa sa bise presidente at tatlong kandidato para sa partylist representative. (Ulat nina Rudy Andal/Ellen Fernando)