Sinabi ni Reyes na dapat lamang na maibigay kaagad ang malaking halaga ng pabuya ng naturang tipster upang magsilbi itong inspirasyon sa mamamayan para sa ikapupuksa ng iba pang pinaghahanap na ASG top leaders.
Ayon kay Reyes, kailangang ihanda at tiyaking sa tamang informer mapupunta ang P5-M reward kapalit ng ulo ni Robot.
Si Robot na kabilang sa mga top leaders ng ASG na may reward na P5-M ay sugatang nadakip ng tropa ng Armys 104th Brigade sa kagubatan ng Brgy. Panabuan, Indanan, Sulu matapos ang mahabang panahong pagtatago sa batas.
Binigyang diin pa ni Reyes na sa lalong madaling panahon ay dapat mapasakamay ng instant millionaire na tipster ang pabuya upang hindi naman masabi ng mga kritiko na ningas kugon ang reward system ng pamahalaan.
Maliban kay Robot kabilang pa sa pinaghahanap na mga top leader ng bandido na kapwa may patong sa ulong P5-M sina Khadaffy Janjalani, Hamsiraji Salih, Isnilon Hapilon at Abu Pula.
Magugunita na ang ASG ay sangkot sa pagdukot sa 21 hostages kabilang ang 18 Europeans sa Sipadan beach resort sa Sabah, Malaysia noong Abril 23, 2000 kung saan ang mga bihag ay itinago sa Sulu. (Ulat ni Joy Cantos )