Ang pangakong suporta ay nakapaloob sa isang manipesto na nilagdaan ng mga lider na sina Zenaida Maranan ng FEJODAP, Melencio "Boy" Vargas ng ALTODAP, Efren de Luna ng PACDO-ACTO, Lando Marquez ng MJODA at Roberto "Ka Obet" Martin ng PASANG-MASDA.
Sinabi ng mga lider ng transportasyon na nais nilang ang Pangulo ang siyang mahalal na lider sa eleksiyon sa 2004 para matiyak ang pagsulong ng ekonomiya ng bansa.
Ang Pangulo anila ang siyang naglunsad ng "lifestyle check" ng mga opisyal ng pamahalaan at naging epektibo ito para masugpo ang pangungurakot sa gobyerno.
Sa mahusay na liderato ni Pangulong Arroyo, sinabi nilang nasugpo at naging niyutralisado ang sindikato ng droga.
Ang Presidente rin anila ang siyang sumusuporta sa sektor ng jeepney sa pamamagitan ng mga konkretong programa ng aksiyon at nakakumbinsi sa mga kompanya ng langis na magkaloob ng diskuwento sa sektor ng transportasyon.
Ang patuloy na panunungkulan ng Pangulo sa loob ng anim pang taon ang nakikita nilang solusyon para ganap na matamo ng bansa ang hangad na progresong pangkabuhayan. (Ulat ni Lilia Tolentino)