Ayon kay Sen. Sotto, sinungaling si Lim ng ipahayag nito na wala na siya sa Freedom to Fly Coalition na pinopondohan ng AGILE dahil hanggang ngayon ay bise presidente pa rin ito ng nasabing organisasyon na ang sinusulong ay interes ng mga dayuhan.
Sinabi pa ni Sotto, nakikiisa siya sa banta ni Sen. Joker Arroyo, chairman ng sub-committee on finance na nag-aaral sa budget ng DOTC, na huwag ipasa ang P9.682 bilyong budget ng ahensiya hanggat hindi sinisipa si Lim ni Sec. Mendoza.
Ipinaliwanag ni Sotto na maraming beses na umanong pinatunayan ni Lim ang pagkiling sa mga interes ng dayuhan dahil sa pagsusulong nito ng pagpapatupad ng 1982 RP-US Air Agreement na ang makikinabang lamang ay ang mga US carriers.
Itinanggi naman ni Lim ang naging paratang ng mga senador at iginiit na hindi dapat gawing hostage ang budget ng DOTC dahil lamang sa kanya dahil matagal na umano siyang wala sa Freedom to Fly Coalition matapos siyang italaga bilang director ng CAB ni Pangulong Arroyo. (Ulat ni Rudy Andal)