Labing-anim ang pormal na naghain ng kandidatura pero kapansin-pansin na wala ni isa sa kanila ang kilalang kandidato. Wala ring interesadong mag-bise, habang dalawa ang sa pagka-senador.
Kinilala ang mga kandidato sa pagka-pangulo na sina Eddie Gil, isang banker mula sa partidong "Isang Lahi, Isang Diwa;" Daniel Magtira, 43, ng New Antipolo st., Tondo, Manila mula sa partidong "Republika ng Pilipinas"; Leopoldo Salud ng San Antonio Valley, Parañaque City, independent; Ricardo Daniac, 59, independent; Victor Paul Monteverde, 61, independent; Gregorio Israel, missionary at taxi driver; Andres Ombic, na palaging naghahain ng COC; Froilan Alvarez, isa umanong trilyonaryo; German Valladarez, 61, indepedent; Alfonso Celmar, 36; Salve Bush, isang OFW; Bartolome Padilla, siang magsasaka; at Gregorio de Leon, 63.
Ang dalawang nag-file pagkasenador ay sina Mel Chavez, 51, ng partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na dati na ring kumandidato at Jose Hapson.
Isa namang negosyante na nagngangalang Ricardo Banigo, ang naghain ng kanyang COC para sa pagka-kongresista sa Maynila.
Ayon kay Comelec Chairman Benjamin Abalos, karaniwan na naghahain sa unang araw ng pagpapa-file ng COC ang mga nuisance candidate.
Inamin ni Abalos na ang mga nuisance candidates na ito ang madalas na lumalabag sa Omnibus Election Code at sa mga pinaiiral na regulasyon ng Comelec kabilang na ang maagang pangangampanya.
Gayunman, hindi lahat ay seseryosohin ng Comelec dahil may sinusunod itong panuntunan sa pagtanggap ng kandidatura.
Hindi anya sapat ang pag-file ng COC at pagkakaroon ng plataporma para tanggapin ang isang kandidato.
Sa mga kandidatong pagkapresidente, bise, senador at partylist representative ay kailangang maghain ng kanilang COC sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila habang ang mga tumatakbong kongresista ay maaaring maghain ng COC sa kani-kanilang provincial election supevisors habang sa mga mayor, vice mayor at councilor ay dapat na magsumite ng kanilang COC sa mga tanggapan ng Comelec sa kanilang lungsod, bayan at distrito.
Hanggang sa Enero 2, 2004 ang itinakdang huling araw ng paghahain ng COC sa mga gustong kumandidato. (Ulat ni Ellen Fernando)