Sa 17-pahinang desisyon ni Judge Henrick Guingoyon, ng Pasay RTC-Branch 117, iniutos nito sa Pasay City Police na agad na dalhin si Generoso Cuneta alyas Boy Liit, 56, pangulo ng Pasay City League of Barangay, sa New Bilibid Prisons (NBP) makaraang basahin ng korte ang nasabing parusa.
Bukod sa pagkakabilanggo, pinagbabayad rin ng hukuman si Cuneta ng P250,000 bilang danyos perwisyo nito.
Base sa rekord, ang naturang half-brother ng award winning actress na si Sharon Cuneta ay nabigong dumalo sa promulgation ng kanyang kaso.
Ayon sa source, si Cuneta ay isinugod sa San Juan de Dios Hospital sa Roxas Boulevard, Pasay City matapos na atakihin ng kanyang high blood.
Napatunayan sa pagdinig ng korte na pinilit at inimpluwensyahan ni Cuneta ang treasurer ng Liga ng Barangay upang magpalabas ng maraming tseke para sa kanya (Cuneta) ng walang awtorisasyon at approval ng kanilang Board of Directors.
Bukod dito, nakasaad sa desisyon na umabuso sa posisyon si Cuneta para sa kanyang personal na pangangailangan mula sa 13 tseke na inisyu sa kanya na nagkakahalaga ng P.25 milyon mula sa pondo ng nasabing liga.
Naestablisa sa isinagawang mga pagdinig na ang pondo ng liga ay nakadeposito sa dalawang bangko ng Land Bank of the Phils. (LBP) na may sangay sa Masagana at Pasay mula Pebrero 1999 hanggang Dec. 2000 sa ilalim ng account #2212-1026-04.
Iprinisinta ng prosekusyon na pinangungunahan ni Rosendo Tejero Jr. sa korte ang apat na testigo na sina Eduardo Napa, 34, dating treasurer ng liga; Marilou Asinas, 38; Benedicta Oamil, 33, pawang document examiner ng LBP branch sa Pasay at Jose Cardana, 62, dating auditor ng nasabi ring liga.
Sinabi ni Napa sa korte na pinuwersa lamang siya ni Cuneta na lumagda sa mga inisyung mga tseke para sa personal nitong pangangailangan.
Hindi naman pinaniwalaan si Cuneta nang igiit nito sa korte na ang pagpa-file ng kaso laban sa kanya ay illegal. (Ulat nina Lordeth Bonilla/Ellen Fernando)