Sinabi ni Sen. Lacson, naniniwala siya sa mga binitiwang salita ni FPJ na mag-uusap muna sila bago magdesisyon upang magkaroon lamang ng iisang standard bearer ang oposisyon.
Ayon kay Lacson, hindi muna siya magsusumite ng kanyang certificate of candidacy hanggang hindi sila nagpupulong ng aktor at ganito din ang inaasahan niyang gagawin ni FPJ sa kabila ng ginagawang pangungulit sa kanya ng mga pulitikong nagsasalita para sa kanya.
Aniya, hindi siya naniniwala sa mga ginawang pahayag ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III na tinanggap na umano ni FPJ ang resolusyon ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) upang maging standard bearer ito.
Wika pa ni Lacson, sakaling magsumite man siya ng kanyang certificate of candidacy sa Comelec ay gagamitin pa rin niya ang Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) dahil miyembro siya nito. (Ulat ni Rudy Andal)