Kinumpirma kahapon ni AFP surgeon general Col. Rafael Regino na pasado alas-10 ng gabi nitong Martes ng magdesisyon ang medical team na putulin ang kaliwang paa ni Robot dahil sa impeksiyon na maaaring kumalat at makaapekto pa sa ibang bahagi ng katawan nito.
"If we prolong the condition it might progress to gangrene and promote secondary infection," ani Regino na nagsabi pang marami ang dugong nawala kay Robot at ngayoy kasalukuyan pa ring inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng nasabing pagamutan.
Sinabi ni Col. Regino na bunga ng pagputol sa kaliwang paa ni Robot ay isasailalim nila ito sa psychiatric treatment upang maibsan ang trauma na dinaranas nito sa kasalukuyan bunga ng pagkawala ng nasabing bahagi ng katawan nito.
Ayon pa kay Regino, malamang pagamitin na lamang si Robot ng artificial leg na yari sa kahoy dahil masyado umanong mahal ang battery operated na "robotic leg" na nagkakahalaga ng $5M na ini-import pa mula sa Amerika, Japan at Europe.
Aabutin ng P1 milyon ang maaaring gastusin ng pamahalaan para sa hospitalization ni Robot.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit P70,000 ang nagagastos ng AFP sa pagpapagamot dito at ang rehabilitasyon nito ay tatagal mula 3-6 buwan. (Ulat ni Joy Cantos)