Ito ang nabatid kahapon kay AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya matapos nitong makausap ang ilang mga sumuring doktor kay Kumander Robot sa Camp Aguinaldo Station Hospital matapos na dalhin dito ang Sayyaf leader mula sa Zamboanga City.
Nabatid na kritikal ang lagay ni Robot at walang palya ang pagsasalin ng dugo dahil sa tinadtad ng 13 bala ang kanyang kanang paa dahilan para agad ipag-utos nina Defense Secretary Eduardo Ermita at Abaya ang paglilipat nito sa AFP Medical Center sa Quezon City.
Sa panayam naman kay AFP doctor Col. Rafael Regino ng Camp Aguinaldo Station Hospital, sinabi nito na matindi ang tama ng naturang bandido at stabilize na ang mga paa nito mula singit pababa dahil sa dami ng tinamong tama ng bala.
"Magiging robotic na siya," ani Abaya na nagsabi pang maari namang gumamit ng wheelchair o kaya naman ay artificial na paang bakal si Robot kung saka-sakali.
Isasailalim si Robot sa X-ray upang madetermina kung kailangang putulin o maisasalba pa bagaman hindi na mapapakinabangan ang mga paa ng naturang Sayyaf leader.
Magugunita na si Robot na may patong sa ulong P5 milyon dahil sa pagkakasangkot sa serye ng kaso ng kidnapping ay sugatang nadakip ng tropa ng Armys 104th brigade sa ilalim ng pamumuno ni Col. Alexander Yapching kamakalawa ng gabi sa kuta nito sa Brgy. Panabuan, Indanan, Sulu.
Base sa rekord ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF), 12 kaso ng kidnapping at dalawa pang insidente ng paghahasik ng terorismo ang kinasasangkutan ni Robot na itinuturing na #1 sa Order of Battle ng militar.
Sangkot ang grupo ni Robot sa Sipadan hostage, madugong Ipil attack sa Zamboanga del Sur noong 1995 at pagsalakay sa Maibung, Sulu kung saan hinarass at pinagnakawan ang mga sibilyan noong Setyembre 2003 at marami pang iba.(Ulat ni Joy Cantos)