Sen. Pimentel walang plano mag-bise kay Gloria

Tahasang inihayag ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. na wala siyang interes na tumakbong bise-presidente lalo na ang maging runningmate ni Pangulong Arroyo sa ilalim ng administration party.

Ito ang naging reaksyon ni Sen. Pimentel ng PDP-Laban kaugnay sa naging pahayag ni Housing Sec. Mike Defensor na spokesman sa election campaign ng Pangulo.

Ayon kay Pimentel, wala siyang plano na tumakbong vice-president lalo pa sa ilalim ng Lakas-CMD dahil nais niya na sa kasalukuyan ay magkaroon ng nag-iisang standard bearer ang United Opposition.

Aniya, ang kanyang partido ay handang-handa na pumasok sa koalisyon ng United Opposition kaya nagsusumikap silang magkaroon ng pagkakaisa ito upang magkaroon lamang ng iisang standard bearer sa darating na eleksyon upang masiguro ang kanilang tagumpay.

Samantala, malaki ang paniwala ng Palasyo na ang pagkakagulo ngayon ng oposisyon ay magreresulta upang lalo pang lumakas ang kandidatura ng Pangulo para sa 2004 presidential elections.

Sinabi ni Presidential political spokesman Mike Defensor, bentahe sa Pangulo ang bangayan ngayon sa pagitan ng kampo ni Senador Panfilo Lacson at Senador Edgardo Angara na nagtutulak sa kandidatura ni action king Fernando Poe Jr. (Ulat nina Rudy Andal/Ely Saludar)

Show comments