Ayon sa grupo, posibleng napilitan lamang ang mga Pinay na bawiin ang kanilang reklamo laban sa mga akusadong dayuhan na nanamantala sa kanila bunsod na rin sa pagpupursige ng pamahalaan na ayusin na lang ang kaso sa halip na dalhin pa ito sa hukuman doon.
Sinabi ni Divine Garcia ng Migrante, ang pamahalaan pa mismo ang dapat na maggiit na dalhin sa hukuman ang kasong rape lalo na sa isang Pinay na dinukot at halinhinang ginahasa ng siyam na Kuwaiti, gayundin sa dalawa pa na biktima ng gang rape noong Nobyembre.
Handa naman umanong magbigay ng legal na tulong ang Migrante para ipaglaban ang kaso lalo na sa dalawa pang Pinay OFW na gustong isulong ang kaso sa hukuman.
Kaugnay nito, magsasagawa ng kilos protesta ang Migrante sa Department of Foreign Affairs para kondenahin ito sa kapabayaan sa mga kaso ng Pinay rape victims. (Ulat ni Angie dela Cruz)