ERC chairman pinasisipa

Nais ng Partido ng Manggagawa (PM) na sipain na ng Malacañang sa kanyang puwesto si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Manuel Sanchez kasabay ang pagtutol sa panibagong power rate hike na ipatutupad ng Manila Electric Company (Meralco) simula sa Enero 2004.

Sinabi ni PM Party List Rep. Renato Magtubo, hindi dapat pinagbigyan ng ERC ang hirit ng Meralco na patungan ng 12 sentimo bawat kilowatt-hour ang singil nila sa kanilang consumer.

Sa halip anya na maging masagana ang papasok na bagong taon ay panibagong pasanin ang kinakaharap ng mga electric consumers.

Naniniwala naman si Sen. Aquilino Pimentel Jr. na ang pondong malilikom ng Meralco sa dagdag-singil sa kuryente ay gagamitin sa pagbabayad ng refund sa electric consumers at hindi sa sinasabing 42 bagong proyekto ng kumpanya.

Matatandaan na natapos na ng Meralco ang phase 1 at 2 sa pagbabayad ng refund sa kanilang customers subalit malaking halaga pa rin ang kanilang ilalabas sa refund sa malakihang kumonsumo ng kuryente.

Sakali mang totoo ang plano ng Meralco na gamitin ang pondong malilikom sa pagpapagawa ng mga bagong proyekto, hindi pa rin umano ito makatuwiran dahil hindi pa man nasisimulan ang proyekto ay kinakaltasan agad nila ang kanilang customer.

Mababalewala lamang anya ang matatanggap na refund ng mga consumer ng Meralco kung muling magtataas ito ng singil at lalong mawawalang saysay ang ipinag-utos ng Pangulo na ibaba ang purchased power adjustment (PPA). (Ulat nina Malou Rongalerios/Rudy Andal)

Show comments