Palasyo na "Wow Mali" sa kudeta

Minsan pang "nakuryente" ang Malacañang ng maling impormasyon nang magdeklara ito ng red alert kamakalawa upang labanan ang isa na namang planong kudeta.

Ito’y matapos kumalat ang balita na may mga grupo ng mga sundalong sakay ng armored vehicle na lulusob sa Metro Manila upang maglunsad ng kudeta laban sa administrayon.

Gayunman, nilinaw ni AFP Public Information Chief Lt. Col. Daniel Lucero na ang naturang troop movement ay awtorisado.

"I think that was a false alarm, this came about when eight truck loads of newly recruited soldiers from the Navy were transported from Ternate, Cavite to the Bonifacio Naval Station. This movement was authorized and the AFP is taking some measures to prevent the public from being alarmed from any authorized troop movements," paglilinaw ni Lucero.

Nabatid na may tumawag sa Malacañang sa nakitang walong truck ng mga sundalo habang bumibiyahe patungo sa Metro Manila.

Nagkaroon ng misinterpretasyon sa mga opisyal ng Palasyo kaya nagdeklara ng red alert si Col. Delfin Bangit, chief ng Presidential Security Group (PSG) at nagpalabas ng apat na armored personnel carrier (APC) at mga sundalong naka-full battle gear sa loob at paligid ng Malacañang partikular sa lugar na papasok sa Nagtahan at Ayala Bridge.

Nagpakalat din ng police checkpoint ang mga armadong tauhan ng Western Police District sa buong bisinidad ng Malacañang.

Subalit mabilis ring inalis ang "alert status" matapos makumpirmang ang pagkilos ng tropa ng militar ay bahagi ng Seabees ng Phil. Navy sa Sangley Point at ilang tropa mula sa Marines.

Ipinatupad ang heightened alert dakong alas-4 ng hapon at tumagal hanggang alas-8 ng gabi nitong Linggo.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments