Ito ang lumalabas sa pag-aaral na isinagawa ng Population Commission na pinondohan ng United Nations Population Funds.
Lumalabas sa Young Adult Fertility and Sexuality survey na 70 porsiyento ng mga kabataan na edad 10 hanggang 24 ay naniniwala na importante pa rin ang virginity. Mas mababa ito kung ikukumpara sa 1982 survey kung saan siyam sa 10 kabataan ang naniniwala na mahalaga ang virginity.
Mayroong 20,000 kabataan ang ginamit na respondent sa survey.
Ayon pa sa survey, mas maraming kabataan ang nagtatalik bago magpakasal subalit mas kokonti ang nangangamba na maaari silang mabuntis o mahawahan ng sakit.
Naitala sa 22 porsiyento ng mga babae at 34 na porsiyento ng mga lalaking na-survey ang umamin na nakikipagtalik sila kahit hindi pa kasal. Noong 1994, ang pre-marital incident ay naitala lamang sa 13 porsiyento ng mga na-survey.
Mas marami namang kabataan ngayon ang pabor sa live-in partnership.
Mas mataas rin umano ngayon ang bilang ng mga kabataang naninigarilyo, gumagamit ng droga at nagpapakamatay. Labing-dalawang porsiyento ng mga kabataan na na-survey ang umamin na nagtangka na silang magpakamatay. (Ulat ni Edwin Balasa)