Sa isang talumpati sa multi-partisan political leaders, NGOs at sektor sibiko, sinabi ni Dante Jimenez, pinuno ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), tanging si Senador Robert Barbers ang kinikilalang nagtataglay ng "consistent advocacy" laban sa krimen at lawlessness sa bansa.
Sinabi ni Jimenez na bagamat ang kanyang grupo ay hindi nakikisangkot sa pulitika o nag-iindorso ng sinumang pulitiko, ikinokonsidera niya si Barbers na isang credible bet para manguna sa kampanya laban sa krimen.
Kinatigan ni dating narcotics agent Mary "Rosebud Ong ang nabanggit na pahayag na nagsaad na ang kalutasan ng mga problema sa drug trafficking, kidnapping at carnapping at lahat ng uri ng kriminalidad ay nakasalalay sa taong may sapat at subok na kakayahan at mangunguna laban dito, tulad ni Barbers.
Samantala, sinabi ni House Speaker Jose de Venecia na walang pag-aalinlangan na si Barbers ang pinakamalakas na contender para sa vice presidential race dahil siya ay may pinakamalawak na suporta sa multi-party leaders, civil society, anti-crime groups at Fil-Chinese community.
Sa panig ni Surigao Rep. Prospero Pichay, ang susunod na pangalawang pangulo ng bansa ay kailangang mayroong subok na kakayahan at track record sa law enforcement, tulad ni Barbers. (Ulat ni Rudy Andal)