Finance sec.Camacho nag-resign

Nagharap na ng kanyang irrevocable resignation si Finance Secretary Jose Isidro Camacho at ang kanyang pagbibitiw sa puwesto ay tinanggap naman ni Pangulong Arroyo.

Ayon kay Presidential Chief of Staff Rigoberto Tiglao, hindi nasorpresa ang Palasyo sa pagbibitiw sa puwesto ni Camacho dahil noon pa mang Hulyo naghayag na ito ng intensiyong umalis sa posisyon para bumalik sa pribadong sektor.

Napigil lang anya ang pagtanggap sa pagbibitiw nito bunga na rin ng nangyaring Oakwood mutiny noong Hulyo 27.

Bagaman sinasabi ni Camacho na ang dahilan ng kanyang pagbibitiw ay ang pagbabalik sa pribadong sektor, ilang impormante ang nagsabi na ito’y matapos hindi masunod ang rekomendasyon nitong ipaimbestiga si GSIS president at general manager Winston Garcia dahil sa pagkabigo nitong mapatatag ang pananalapi ng paseguruhan.

Pagod din umano sa Gabinete at matinding pamumulitika sa gobyerno ang inihayag nitong mga dahilan sa kanyang pag-alis.

Sa kanyang iniharap na pagbibitiw sa posisyon, inirekomenda ni Camacho si Finance Undersecretary Juanita Amatong para siyang italagang kapalit niya.

Kasunod ng pagbibitiw ni Camacho sa posisyon, agad bumagsak ang palitan ng piso laban sa dollar sa halagang P55.60 na siyang pinakamababang naitala sa merkado sa taong ito. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments