Umaabot sa P2.159 bilyong shabu, kemikal at mga kagamitan sa paggawa ng droga ang nasamsam sa isang warehouse na matatagpuan sa #8 Gertrudes St., Kingsville subd., Brgy. Mambugan, Antipolo City.
Naaktuhan naman habang nagluluto ng ipinagbabawal na droga ang apat na pinaghihinalaang big time drug traffickers na sina Yan Huai Lian, Chin Tu Chen, Chuang Wen Ming, Ho Kisu Hsing at ang Pinoy na si Eusebio Arellano.
Ang raid ay personal na pinangasiwaan nina PDEA executive director Gen. Anselmo Avenido Jr. at PNP-AIDSOTF chief Gen. Edgar Aglipay.
Ayon kay Avenido, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang salakayin ang nasabing laboratoryo na dating pagawaan ng sapatos at pag-aari umano ng isang Danilo Gomez.
Ayon kay Avenido, ito na umano ang pinakamalaking laboratoryo ng shabu na kanilang nadiskubre magmula ng maglunsad sila ng all-out war laban sa droga simula ng maitatag ang PDEA nitong Agosto.
Ilang buwan ding sinubaybayan ang naturang pagawaan sa tulong na rin ng ilang impormante na siyang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad.
Hindi na umano nakapalag ang mga suspek matapos makorner ng raiding team.
Magugunita na nitong nakalipas na Linggo ay umaabot sa mahigit P1 bilyong shabu at mga kemikal ang natisod rin ng PDEA at PNP-AIDSOFT matapos salakayin ang isang laboratoryo ng shabu sa Valenzuela City.
Nahaharap ngayon sa parusang bitay ang mga nahuling suspek. (Ulat nina Joy Cantos at Edwin Balasa)