Ayon sa naturang report, naging sunud-sunod ang mga aksiyon ng mga grupong ito upang isagawa ang mga propaganda laban sa pamahalaan.
Kaakibat nito, nagpapaikot na rin ng "white paper" ang mga ito sa matataas na opisyal ng military upang manghikayat ng kudeta laban kay Pangulong Arroyo.
Ayon sa source, hindi umano titigil ang mga drug lord hanggat hindi naitutumba ang pamahalaan.
"Military ang kanilang tinatrabaho ngayon, para sa isa na namang kudeta. Siyempre malaking halaga ang involve dito, malamang itotodo na ng mga drug lord ang pera nila, malaki na rin kasi ang nalulugi dahil sa mga raids na ginagawa ng gobyerno," paliwanag ng source.
Matapos ideklara ni President Arroyo ang malawakang kampanya laban sa droga ay naging mainit ang sagupaan ng pulisya at sindikato ng droga. Umabot na sa P13.7 bilyon halaga ng illegal na droga ang nalugi sa sindikato.
Itinuturing na malaking pilay sa operasyon ng sindikato ang pagkakasara sa siyam na malalaking laboratoryo at pagkumpiska sa mga modernong kagamitan nito. Dahilan sa patuloy na pagpapa-igting ng kampanya ay nahuli din ang tatlong Tsinoy na drug traffickers at nasakote din ang pinaghihinalaang shabu warehouse ng tatlo sa Valenzuela City.
Iniutos din ang mabilis na pag-aresto at pagsasampa ng kaso sa mga suspek para sa masigasig na pagsusulong ng Drug Free Philippines sa taong 2010.
Samantala, pinawawalis din ni Pangulong Arroyo ang mga tinaguriang hot spots sa Southern, Northern at Eastern Police Districts matapos maiulat ni PNP Task Force Chief Edgardo Aglipay ang epektibong pagkilos sa bahagi ng Western Police.
Sa panig naman ni Gen. Aglipay, inaasahan nitong babagsak ang produksiyon at pagbebenta sa kalsada ng droga kaugnay sa pinaigting na pagkilos sa susunod pang mga linggo. (Ulat ni Joy Cantos)